Sabi nila, mahirap pilitin ang isang tao na mahalin ka.. katulad ng musika, hindi ka naman sasabay sa kantang ayaw mo di ba?
Bakit nga ba napapakanta ang isang tao? Nasa tono man o wala? Kasi avid fan tayo nung singer. Kasi maganda sa pandinig ang kanta at madaling sabayan. Kasi nakakaantig ang lyrics o madaling kabisaduhin. O kasi minsan na nating nai-share ang kantang ito sa isang tao. Isang taong malaki ang naging bahagi sa buhay natin.
Kahit di natin kilala kung sino yung kumanta, wala tayong pakialam. Foreign man o local, babae o lalake yung singer, solo, boyband o banda man, basta nagustuhan natin yung kanta, yung na-LSS ba, walang pwedeng kumontra!
Ang dami kong paboritong kanta. Kanta mula sa mga singer o banda na ngayon ko lang narinig. Mga bagong kanta na di pa napapatugtog sa radyo o MTV pero dahil nakakarelate ka sa lyrics at dahil may isang taong nag-share sa akin nung kantang yun.. instant favorite ko na sya. Parang baliw lang na naka-repeat one lang ang playlist ko at walang malay na unti-unti ko na pala syang nakakabisado. Unti-unting na akong nilulunod ng mga masasayang alaala sa tuwing mapakikinggan ko sya.
Pero paano kung ang paborito kong kanta ay hindi na paborito ng taong gusto ko? Magiging paborito ko pa ba? Kung yung mismong taong nag-introduce at nag-share sa akin ng kantang iyon ay may bago ng paborito? Aanhin ko pa ang repeat one feature sa playlist ko kung hindi ko naman mai-share sa taong yun ang kantang paborito ko. Baka nga burahin ko na lang yung kanta sa playlist ko.
Kung anong sarap ng feeling na may ka-share ka sa isang awitin, ganun din ang pait ng lungkot na mararamdaman sa oras na mawalan ka ng dahilan para pag-alayan ng awit.
Mahirap ng ipilit sa sarili na magustuhan pa yung awiting yun. Pero mahirap din kalimutan. Music never fades. Maaaring mawala na sa sirkulasyon pero hindi sya mawawala kailan man. Pwedeng ipauso ulit, i-revive ng ibang singer, gawing OST sa isang pelikula o telenovela. Wala pa ring lusot. Maaalala mo pa rin.
Ang importante ay naging malaking bahagi ng buhay ko ang musika. Musika na minsan nagdulot sa akin ng kasiyahan, napalitan man ng kalungkutan pero lubha akong pinagtibay sa hamon ng buhay at pag-ibig. Wala namang nagbabawal na sabayan ko pa din ang awit ng buhay ng mag-isa. Baka sa walang humpay kong pagsabay, may maglakas-loob na sabayan ako. Yung di na kailangan pilitin, yung kusang aawit para sa akin.