Parang nung isang araw lang, nag-blog ako tungkol sa month ng November. Ngayon, December na.. Uber bilis ng panahon. Di natin namamalayan ang paglipas ng araw at pag-andar ng oras. Ang daming mga nangyayari sa paligid na minsan nawi-witness pa natin, minsan hindi na.
Less than a month from now, ang lahat ay magdiriwang na ng kapaskuhan. Isa sa pinaka-importanteng okasyon sa buhay ng bawat isa. (Nangunguna pa rin syempre ang ating mga birthday.. ) Lahat ay nagsasaya sa araw ng Pasko. May kakaibang ligayang idinudulot ito. Ligayang kung pwede lang sana madala sa mga susunod pang mga araw, taon at siglo..
Sa amin, nakagawian na ang pagtitipon-tipon ng bawat pamilya. Hindi man lahat ay nakakarating pero sapat pa din ang bilang ng mga bisitang dumadating para maging isang magulo at masayang pamilya. Ang sarap sa pakiramdam na hindi nila alintana ang pagbyahe ng malayo. At mas nakakapanabik pa na may mga bitbitin pa sila para pasalubong. Nakaka-engganyong panoorin ang bawat isa na kumakain, salo-salo sa napagdamutan lamang, pero kahit gaano pa kaunti o karami yan, pihadong walang matitira. Isang indikasyon na lahat ay nasarapan at naligayahan sa putaheng inihanda. Pagkatapos kumain, ang lahat ay magkukumpulan at magkwe-wentuhan, sa buhay-buhay ng bawat isa at ng bawat pamilya. Di man tumatagal ng pang hanggang kinabukasan ang pagtitipon pero marami na din ang napag-usapan at magtutuloy-tuloy yan hanggang sa muling pagkikita.
Hindi uso sa amin ang lahat ay magbibigayan ng regalo sa bawat isa. Kadalasan mga bata lamang ang nireregaluhan. Isa ng kadahilanan syempre ay ang kawalan ng pambili. Ngunit hindi naman hadlang kung walang matanggap na regalo. May matanggap man o wala, magpasalamat pa din tayo. Totoo nga yung kasabihan na mas masarap sa pakiramdam ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap lamang. Nakikita mo kasi ang mga tunay na ngiti sa kanilang mga labi. Mahal man o hindi yung binigay mo, di naman importante yun. Ang mahalaga ay napakita mong mahalaga sa iyo yung tao.
Isa lang ang Pasko sa mga okasyong inaabangan ko at tunay na pinaghahandaan. Hindi lingid sa akin ang gastos. Ang importante ay maibuhos ko ang pagpapahalaga ko at pagmamahal sa pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng regalo at paghahanda. Mas marami, mas nakakataba ng puso. Ika nga, minsan lang ito ipagdiwang sa loob ng isang taon. Bakit pa ako magdadamot?
Sa pansariling kapakanan, masasabi kong magiging masaya ako sa pagdiriwang ng Pasko. Bukod sa mga regalo, handa at pamilya, andyan din ang mga kaibigan masasabi kong tunay na nagmamahal sa akin. Mga kaibigang subok na sa anumang pagsubok. Mga kaibigang handa akong protektahan at tulungan. Isang malaking pasasalamat na nakilala ko sila. Ayoko ng maghangad pa ng iba. Sapat na kung ano ang meron ako at kung ano ang maibibigay ko sa kanila.
Di ko mapigilan na hindi asamin ang pagdating ng kapaskuhan. Masaya ako. Ngayon pa lang, sa unang araw ng Disyembre, ramdam ko ang pinaghalong init at lamig ng kapaskuhan. Hangad kong maging maligaya ang lahat.
Isang maagang pagbati sa araw ng kapaskuhan!
No comments:
Post a Comment
Gladly appreciate it if you will let me hear your thoughts! Thanks!